Home METRO ₱5.5M ‘tobats’ nasamsam sa Laguna

₱5.5M ‘tobats’ nasamsam sa Laguna

Isang hinihinalang tulak ng ipinagbabawal na gamot ang naaresto matapos makumpiskahan ng tinatayang ₱5.5 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng Siniloan Municipal Police Station, kaninang umaga sa Barangay Wawa, Siniloan, Laguna.

Ang suspek, na kabilang sa talaan ng pulisya bilang High-Value Individual (HVI), ay pansamantalang nasa kustodiya ng Siniloan Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). Nakilala ito sa alyas na “JR,” nasa hustong gulang, at residente ng nasabing lugar.

Base sa inisyal na ulat ni PMaj Fernildo R. De Castro, hepe ng Siniloan Municipal Police Station, kay PCol Ricardo Dalmacia, Provincial Director ng Laguna PPO, nadakip ang suspek dakong alas-8:55 ng umaga habang nagbebenta umano ng ilegal na gamot na kilala sa tawag na shabu sa isang nagpanggap na poseur buyer. Humantong ito sa aktwal na pag-aresto sa suspek.

Narekober sa suspek ang dalawang pirasong heat-sealed transparent plastic sachet at walong pirasong knot-tied transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na tinatayang 810 gramo at may standard price na humigit-kumulang ₱5,508,000.00. Nasamsam din ang isang digital weighing scale, isang itim na backpack, at ang boodle marked money na ginamit ng poseur buyer.

“Binabati ko ang Siniloan MPS sa matagumpay na operasyon laban sa iligal na droga. Ang pinaigting na operasyon ng Laguna PNP laban sa iligal na droga ay naglalayong linisin ang komunidad at tiyakin ang kaligtasan ng bawat mamamayan. Binabalaan ko rin ang mga taong sangkot at may kinalaman sa iligal na droga — tutugisin namin kayo,” pahayag ni PCol Dalmacia.

— Ellen Apostol