Home HOME BANNER STORY ₱50 taas-sahod sa NCR, aprubado na ng Wage Board!

₱50 taas-sahod sa NCR, aprubado na ng Wage Board!

MANILA, Philippines – Makakatanggap ng dagdag na P50 sa kanilang arawang sahod ang mahigit 1.2 milyong minimum wage earners sa Metro Manila, ayon sa Department of Labor and Employment o DOLE.

Nakasaad ang umento sa Wage Order No. 26 na inaprubahan ng NCR Regional Tripartite Wages and Productivity Board at itinuturing na pinakamataas na wage hike sa kasaysayan ng rehiyon.

Para sa non-agriculture sector tataas na sa P695 ang daily minimum wage habang P658 naman para sa agriculture, retail, service, at small manufacturing establishments.

Magiging epektibo ang bagong sahod simula Hulyo 18, 2025—isang araw matapos ang anibersaryo ng huling wage hike noong 2024.

Ayon sa National Wages and Productivity Commission, katumbas ito ng dagdag na P1,100 hanggang P1,300 kada buwan, depende sa bilang ng araw ng pasok.

Binigyang-diin ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na isinasaalang-alang ng wage board ang balanse sa karapatan ng mga manggagawa at kakayahan ng mga negosyo, gayundin ang layunin ng gobyerno na mapaunlad ang trabaho, kita, at productivity nang hindi nagtutulak ng inflation.

Kasabay nito, maglulunsad ang DOLE ng malawakang information campaign at mahigpit na monitoring para tiyakin ang pagsunod ng mga kumpanya.

Maaari namang mag-apply ng exemption ang mga maliliit na negosyo at establishments na apektado ng kalamidad. Hindi rin saklaw ng wage law ang mga rehistradong Barangay Micro Business Enterprises.

Ang NCR ang unang rehiyon na naglabas ng wage order ngayong 2025. Inaasahan ang mga public consultations sa iba pang rehiyon mula Hulyo hanggang Agosto. Jocelyn Tabangcura-Domenden