ZAMBOANGA CITY- Umabot sa ₱5 milyong halaga ng smuggled na siragilyo ang nakumpiska ng mga awtoridad sa magkasunod na operasyon, iniulat kahapon sa lungsod na ito.
Sa pinagsamang operasyon ng 1st Zamboanga City Mobile Force Company (ZCMFC), 2nd ZMFC-Seaborne, Zamboanga City Police Stations 3, at 6, Bureau of Customs sa Barangay Kasanyangan, Zamboanga City nakumpiska ang 61 master cases ng sari-saring klase ng smuggled na sigarilyo .
Kabilang sa mga ito ang 25 master cases ng Cannon, 3 master cases ng Blackhawk, at 3 master cases ng Vess, na nagkakahalaga ng ₱1,085,000.
Sinabi ni BOC District Collector Arthur Sevilla, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa concerned citizen hinggil sa mga kontrbando.
Pagdating sa naturang lugar inabandona ng dalawang suspek ang mga kontrabando matapos matunugan ang presensya ng pulisya.
Samantala, sa Barangay Kasanyangan pa rin sa isang kubo sa lugar ng bakawan sa Sitio Asinan, nasamsam rin ng mga element ng 2nd ZCMFC-Seaborne, CIDG-ZCFU, at BoC-9 ang 15 master cases ng BR Cigarettes at 15 master cases ng Commissioner Cigarettes bandang alas-11:10 ng gabi noong nakaraang Linggo.
Nadakip ang isang caretaker ng mga kontrabando na kinilalang sa pangalang “Boljack” at umabot sa halagang P1,050,000 ang nasamsam na mga smuggled na sigarilyo.
Naharang naman ang 30 master cases ng smuggled na sigarilyo sa karagatang sakop ng Tumalutap Island, Zamboanga City na karga ng motorized vessel na FB Ommayah ang 4,200 kahon na naglalaman ng 84 master cases ng iba’t ibang uri ng smuggled na sigarilyo.
Ayon kay Police Lt. Col. Reynald Arino, hepe ng 2nd ZCMFC-Seaborne, ang mga nakuhang sigarilyo ay kinabibilangan ng New Berlin Red, Astro Red, Forth Menthol, San Marino Green, San Marino Black, San Marino White, and Cannon Menthol na aabot sa halagang ₱2.9 milyon.
Dinakip ng mga awtoridad ang kapitan ng barko na kinilalang si Takam Awang Julhakim at kanyang mga crew na sina Muhajir Hadjiruddin Ahadin, Udjah Alyala Usab, at Mahsin Mukam Usman na ngayon ay nasa kustodiya ng pulisya at isasailalim sa masusing imbestigasyon. Mary Anne Sapico