Home METRO ₱6.8M shabu nasamsam sa e-bike driver

₱6.8M shabu nasamsam sa e-bike driver

CEBU CITY- Arestado ang isang e-bike driver matapos makuhanan ng ₱6,800,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation noong Lunes sa lungsod na ito.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Jay Bard Abaquita, 23-anyos, at residente ng Barangay Suba, Cebu City.

Sa pinagsamang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency Central Visayas (PDEA-7), Naval Forces Central (NAVFORCEN), at Abellana Police Station, bandang alas-5:15 ng hapon nang madakip ang suspek sa Sitio Tangkongan, Barangay Sambag 1, ng naturang lungsod.

Nakuha kay Abaquita ang isang pakete na naglalaman ng shabu na may bigat na isang kilo at may Standard Drug Price (SDP) na ₱6,800,000.

Nakuha rin sa suspek ang mobile phone, ₱193, at iba ang ebidensya.

Isusumite naman ng PDEA-7 ang mga droga sa laboratory para sa chemical analysis at tamang disposisyon.

Ayon kay Leia Alcantara, tagapagsalita ng PDEA-7, nakatanggap sila ng report hinggil sa ilegal na aktibidad ng suspek at inilatag ang operasyon na nagresulta sa pagkakadakip kay Abaquita.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek. Mary Anne Sapico

Previous articleP800K cocaine natagpuan sa dalampasigan
Next articleBong Go: Higit 400 Pinoy biktima ng ‘trabaho scam’ sa Italy