Home NATIONWIDE ₱680K ‘tobats’ nasabat sa 2 HVI sa Parañaque

₱680K ‘tobats’ nasabat sa 2 HVI sa Parañaque

MANILA, Philippines – Arestado ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit ng Southern Police District (DDEU-SPD) ang dalawang high-value individual (HVI) na nakumpiskahan ng ₱680,000 halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operation sa Parañaque City noong Miyerkules ng gabi, Hunyo 4.

Kinilala ni SPD Director P/Brig. Gen. Joseph Arguelles ang mga naarestong suspek na sina alyas Oliver, 33, at alyas Ramon, 43, kapwa tinaguriang mga HVI dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga sa Southern Metro Manila.

Ayon kay Arguelles, matagumpay na naisagawa ang operasyon bandang alas-8:25 ng gabi sa parking lot ng isang fast-food chain sa kahabaan ng Medina Avenue, Barangay San Dionisio.

Nakibahagi rin sa operasyon ang mga operatiba mula sa District Intelligence Division (DID-SPD) at Sub-Station 4 ng Parañaque City Police.

Narekober mula sa mga suspek ang tinatayang 100 gramo ng hinihinalang shabu, isang kulay-itim na Oppo cellphone, at ang marked money na ginamit sa transaksyon.

Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek sa custodial facility ng DDEU at nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 sa Parañaque City Prosecutor’s Office.

“This operation highlights the effectiveness and vigilance of our District Drug Enforcement Unit. Their relentless pursuit of drug personalities, especially high-value targets, sends a strong message: the Southern Police District will not tolerate illegal drug activities in our communities,” ani Arguelles. (James I. Catapusan)