Home HOME BANNER STORY ₱8.87B ‘floating shabu’ ininspeksyon ni PBBM

₱8.87B ‘floating shabu’ ininspeksyon ni PBBM

MANILA, Philippines – Bilang bahagi ng isang makabuluhang hakbang laban sa ilegal na droga, personal na nagsagawa ng ocular inspection si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bulto ng nabawing floating methamphetamine hydrochloride o shabu, na natagpuan ng mga lokal na mangingisda sa baybayin ng Luzon.

Ginanap ang inspeksyon ngayong Martes, Hunyo 24, 2025, sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Gymnasium sa National Headquarters sa Quezon City.

(Danny Querubin)

Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez, “No less than the President ordered PDEA to destroy the floating meth as quickly as possible. After the President’s inspection, the contraband will be destroyed in less than 24 hours in a location to be made public later.”

Ang nasabing iligal na droga ay may kabuuang timbang na 1,304.604 kilo at tinatayang nagkakahalaga ng ₱8,871,307,200.00 sa street market. Natagpuan ito na inaanod sa karagatan ng Zambales, Pangasinan, Ilocos Norte, Ilocos Sur, at Cagayan.

Dahil walang naarestong suspek at walang kasong kriminal na maisasampa kaugnay nito, ipinag-utos ni PDEA Director General ang pagsira sa droga sa pamamagitan ng written order. Isasagawa ito sa pamamagitan ng thermal decomposition, matapos ang wastong inventory, forensic laboratory examination, at paglalabas ng kaukulang ulat sa harap ng mga itinalagang saksi.

Maliban sa floating shabu, sisirain din ang 226.043 kilo ng iba’t ibang dangerous drugs na nagkakahalaga ng ₱609 milyon, na nasamsam mula sa iba’t ibang anti-drug operations, alinsunod sa mga kautusan ng korte.

Samantala, inatasan naman ni Pangulong Marcos ang mga law enforcement agencies na paigtingin ang seguridad sa mga baybayin at iba pang maritime routes upang maiwasan ang panibagong tangkang drug smuggling.

Binigyang-diin ng PDEA na patuloy itong magiging matatag sa laban kontra ilegal na droga sa pamamagitan ng pagpapatibay ng pakikipagtulungan sa mga komunidad, maritime stakeholders, at iba pang ahensiya ng pamahalaan upang bantayan ang pambansang baybayin laban sa mga banta ng droga.

Itinuturing ng PDEA ang presensya ng Pangulo bilang isang malaking karangalan at isang makapangyarihang pahayag ng matibay na paninindigan at determinasyon ng pamahalaan na tuldukan ang salot ng ilegal na droga sa bansa. Kris Jose