MANILA, Philippines – Inaasahan na hindi bababa sa 1.6 milyong pasahero ang magtutungo sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) para bumiyahe sa mga probinsya para sa pagdaraos ng Undas ngayong taon at Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 30.
Bilang bahagi ng kanilang paghahanda, sinabi ni PITX corporate affairs and government relations head Jason Salvador na ang pamunuan ng terminal ay nakipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kabilang ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board, upang matiyak na magkakaroon ng sapat na public utility vehicles (PUVs) para sa mga commuter.
Samantala, nagsagawa naman ang Land Transportation Office ng random drug at alcohol testing sa mga driver at nag-inspeksyon sa mga PUV para sa roadworthiness.
Umapela si Salvador sa commuting public na iwasang sumakay sa mga colorum na PUVs para masiguro ang kanilang kaligtasan.
Pinaalalahanan din niya ang mga pasahero na mag-book ng kanilang mga tiket sa bus nang maaga at magdala ng pinakamababang halaga ng bagahe. RNT