MANILA, Philippines- Isa pang pulis na sangkot umano sa pagpatay sa 17-anyos na si Jerhode “Jemboy” Baltazar ang na-contempt at ipinaditene sa Senado sa umano’y pagsisinungaling at pag-iwas sa tanong ng mga mambabatas.
“On behalf of Senator Raffy Tulfo and the guidance of the chairperson, I move to cite [for] contempt Police Captain Juanito Arabejo,” pahayag ni Senator Risa Hontiveros pagdinig ng committee ion public order and dangerous drugs nitong Martes.
Kasunod ang mosyon ni Hontiveros sa pahayag ni Arabejo na hindi nagbigay si Navotas Police Chief Allan Umipig ng direktang utos upang sumailalim ang mga suspek sa paraffin tests.
Nanindigan din siya na hindi sinabihan ang mga pulis na kasama sa operasyon na sumailalim sa parehong proseso.
Pinabulaanan naman ng mga kabaro ang pahayag ni Arabejo, na sina Police Captain Anthony Mondejar at Police Major Edwin Fuertes.
Tumestigo ang dalawang pulis na malinaw na ipinag-utos ni Umipig kay Arabejo na sumailalim sa paraffin test bilang standard operating procedure.
Idinagdag niya na gayundin ang utos sa lahat ng team members na bahagi ng operasyon.
Inaprubahan ni Senator Bato dela Rosa, pinuno ng komite, ang mosyon ni Hontiveros. RNT/SA