Home HOME BANNER STORY 1 patay 5 sugatan sa Bronx subway shooting; PH Consul inaalam kung...

1 patay 5 sugatan sa Bronx subway shooting; PH Consul inaalam kung may Pinoy na nadamay

NEW YORK – Patay ang isang tao habang limang iba pa ang nasugatan matapos ang pamamaril ng isang suspek sa Mount Eden Avenue Subway Station nitong rush hour ng hapon ng Lunes (US time).

Tinitignan naman ng Philippine Consulate kung may nadamay na Pinoy sa nasabing pamamaril sa subway station sa Bronx.

Pero ayon naman kay Assistance to Nationals supervising officer Vice Consul Paolo Marco Mapula, wala silang natatanggap na ulat na nagpapahiwatig ng mga Pilipinong nasawi.

Ang pamamaril na ginawa ng hindi pa nakikilalang suspek ay naganap sa platform ng southbound station sa Mount Eden Avenue. Iniulat ni New York Police Department Transit chief Michael Kemper na dalawang babae at apat na lalaki ang binaril.

Sinusuri ng mga imbestigador ang footage ng security camera para makilala ang suspek.

Ang Federal Bureau of Investigation (FBI) at ang Bureau of Alcohol, Tobacco, Firearms, and Explosives (ATF) ay tumutulong sa imbestigasyon upang mahuli ang salarin.

Isang manhunt ang inilunsad ng New York Police Department upang mahanap ang suspek — o mga suspek — na responsable sa pamamaril.

Hinihimok ng Philippine Consulate General’s Office ang sinumang may impormasyon hinggil sa mga Pilipinong posibleng maapektuhan ng insidente na lumapit at mag-ulat sa mga awtoridad. RNT

Previous article‘Impolite intrusion’ ng ICC, UN sa Pinas pinatatalupan sa Senado
Next article2023 Outstanding Public Servants