MANILA, Philippines – Patay ang isang construction worker matapos gumuho ang pader ng isang construction site sa loob mismo ng Quezon City Hall nitong gabi ng Huwebes, Agosto 17.
Maliban dito, tatlo naman sa kasamahan niya ang nasaktan.
Ayon kay PBGEN Nicolas Torre III, Quezon City Police District Director, mayroong ginagawang scenic elevator sa isa sa mga gusali sa loob ng compound.
Naghuhukay ang mga biktima sa tabi ng naturang pader nang gumuho ito.
Dinala naman sa ospital ang apat na constructiom worker subalit namatay ang isa sa kanila dahil sa malubhang sugat na tinamo nang mabagsakan ng pader.
“Nagresponde tayo. Nakita natin na may isang seriously injured at may tatlo pa na nandon sa accident area so sila nilapatan ng lunas ng QCDRRMO ‘yung mga first responders natin at dinala sa ospital. Unfortunately, isa sa kanila ay namatay during the course of the construction. There’s a need for them na maghukay sa tabi ng isang unsupported wall. In the course of this paghuhukay nag-collapse ang wall na ito,” pahayag ni PBGen Torre.
Dagdag pa niya, nakipag-ugnayan na ang building officials ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa contractor ng naturang proyekto.
“Sa ngayon nag-iimbestiga ang ating building officials sa contractor dahil may mga contractors naman ‘yan. Nirereview ang kanilang procedures para sa workplace safety,” dagdag pa niya.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon upang malaman kung may nalabag bang safety procedures ang contrator. RNT/JGC