Home METRO 1 sa 2 suspek na nang-agaw ng gamit ng 2 content creator,...

1 sa 2 suspek na nang-agaw ng gamit ng 2 content creator, arestado!

MANILA, Philippines – Nasakote ng mga awtoridad ang isa sa dalawang suspek na tumangay sa mga gamit ng dalawang content creator na gagawa sana ng music video sa isang tulay sa Pasig City.

Ayon sa ulat, ang suspek na kinilalang si Robin Bilbao, ay dati nang may kaso dahil din sa pagnanakaw.

Si Bilbao ang nagmaneho ng motorsiklo na positibo namang kinilala ng mga biktima na sina
Humphrey Dangkulos at Johann Morales.

Naaresto ang suspek sa isang checkpoint sakay ng motorsiklo na walang plaka.

Nakuhanan ito ng granada.

“Walang plaka yung motor niya, at nung akma siyang kukunin yung wallet niya, nakitaan natin siya in plain view ng granada. Siguro, mambibilktima na naman ulit ito,” pagbabahagi ni Pasig City Police Chief Police Colonel Celerino Sacro Jr.

“Humihingi siya ng pasensiya. Itutuloy pa rin namin ang tamang proseso,” sinabi ng isa sa content creators na si Morales.

“I think they deserve na mahatulan kung ano ang karapat-dapat sa kanila.”

Patuloy namang pinaghahanap ang isa sa mga suspek na kumuha ng bag ng mga biktima na naglalaman ng camera, batteries, tripod, cellphone at iba pang mga gadget.

Ayon naman kay Sacro, sasampahan din nila ang suspek dahil sa paglabag sa COMELEC election gun ban.

“Sa possession pa lang ng explosives no bail na po ito, mayroon pa siyang kahaharapin na kaso in connection with COMELEC gun ban,” ani Sacro. RNT/JGC

Previous articleAfternoon work sa Executive branch sa Setyembre 25, suspendido
Next articleDFA handang sumuporta sa legal action sa WPS reef damage