Home METRO 1 todas, 5 pa sugatan sa hiwalay na pagsabog sa Mindanao

1 todas, 5 pa sugatan sa hiwalay na pagsabog sa Mindanao

MIDSAYAP, North Cotabato- Patay ang isang magsasaka sa pagsabog ng bomba nitong Huwebes sa Datu Salibo, Maguindanao del Sur habang sugatan ang limang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) nang sumabog ang improvised bomb sa loob ng kanilang detachment sa Aleosan, Cotabato.

Kinilala ng mga pulis ang nasawi sa Maguindanao del Sur explosion na si Tatuna Pigi, 42, ng Barangay Pandi, bayan ng Datu Salibo.

Inihayag ni Capt. Ramillo Serame, Datu Salibo police chief, na inihahanda ng biktima ang kanyang farm equipment at patungo na sa sakahan nang sumabog ang bomba sa rutang kanyang tinatahak.

Sa Aleosan naman, iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang pagsabog, naganap nito ring Huwebes, sa entrance ng MILF’s 118th base command sa Barangay Bagolibas.

Ayon kay Capt. Jenefer Amotan, Aleosan police chief, naganap ang pagsabog dakong alas-12 ng tanghali na nag-iwan sa limang MILF members na sugatan.

Aniya pa, pauwi pa lamang ang grupo ng mga biktima na kinilalang sina Abdul Baser Mamintal, Nor Minandang, Moslimen Diya Usop, Hasan Kalano, at Ronald Arellano mula sa “rido” (family feud) settlement sa barangay hall.

Mayroon umanong territorial disputes sa pagitan ng mga miyembro ng 118th at 105th base commands. RNT/SA

Previous articleQC pinangalanang ‘most bike-friendly city’ sa Pinas ngayong 2023
Next articleLotto Draw Result as of | November 25, 2023