10 barangay sa Navotas, balik-ECQ sa Mayo 23; Ilang alituntunin, inilatag

10 barangay sa Navotas, balik-ECQ sa Mayo 23; Ilang alituntunin, inilatag

May 22, 2020 @ 7:54 PM 6 days ago

  •  
  •  
  •  
Share

Navotas City – Mistulang kulong ulit sa mga alituntuning nakapaloob sa enhanced community quarantine sa Navotas ang sampu nitong barangay, simula bukas, Sabado, Mayo 23.

Base sa ipinalabas na resolusyon ng lokal na gobyerno ng Navotas ay muling isailalim sa ECQ ang sampung barangay na may matataas na kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa syudad.

Ayon kay Mayor Toby Tiangco ang mga nasabing barangay ay kinabibilangan ng:

  • Barangay NBBS Dagat-Dagatan

  • NBBS Kaunlaran,

  • NBBS Proper,

  • San Jose,

  • NBBN,

  • Sipac Almacen,

  • Daanghari,

  • Tangos North,

  • Tangos South,

  • at San Roque.

Ang ECQ sa mga nabanggit na barangay ay ipapatupad simula bukas, araw ng Sabado, Mayo 23, ganap na alas-5:00 ng madaling araw hanggang sa May 31, 11:59 ng gabi.

Naglatag naman si Tiangco ng ilang mga alituntunin para sa mga residente:

  1. Tanging mga may hawak ng home quarantine pass (HQP) ang makalalabas para mamili ng pangangailangan. Walang bagong HQP na maaaring iisyu ang barangay.

  1. Patuloy ang pagpapatupad ng MWF/TThS schedule ng pamamalengke.

  1. Ang HQP ay may bisa lamang para sa pamimili ng pagkain, grocery, gamot at iba pang pangangailangan. Ito ay maaari lamang gamitin sa araw ng schedule ng barangay.

  1. Ang mga essential workers o mga manggagawang exempted ng IATF, tulad ng mga nagtatrabaho sa fishport, ay maaari pa ring pumasok sa trabaho dala ang kanilang company ID o certificate of employment.

  1. Lahat ng mga may HQP na aalis ng bahay ay dapat:

  • Nakasuot ng mask na natatakpan ang ilong at bibig

  • Sumunod sa 1-2 metrong physical distancing

  • Umiwas na makipagkumpulan

  • Ang mga matatanda at bata ay hindi pwedeng lumabas maliban lamang kung emergency

  • Ang pamamahagi ng SAP, relief goods at iba pang tulong ay dapat alinsunod sa schedule ng mga barangay.

Ayon sa alkalde umabot na sa 138 ang mga kaso ng COVID-19 sa ating lungsod.

“Kailangan nating habulin ang pitong araw na niluwagan natin ang galaw ng ating mamamayan,” ani Tiangco.

“Ang paghihigpit po na kaakibat ng pagpapatupad ng ECQ ay para rin sa ating kabutihan. Kailangan po nating mapigil ang pagdami ng mga kaso ng COVID-19. Malaki po ang maitutulong ng pananatili sa bahay para maiwasan nating mahawaan tayo o makahawa tayo sa iba,” giit pa ng alkalde.

“Tandaan, ang virus ay nasa labas at hindi lahat ng positibo sa COVID-19 ay may sintomas. Kaya napaka-importante na manatili sa bahay hanggang maaari at ingatan ang ating kalusugan.” Roger Panizal

Share

Leave a Reply

Loading...