Home METRO 10 palapag na pampublikong paaralan sa Tondo, binuksan na

10 palapag na pampublikong paaralan sa Tondo, binuksan na

MANILA, Philippines – MATAPOS ang dalawang taon na pagpapatayo sa sampung palapag na gusali ng bagong Rosauro Almario Elementery School, pormal na itong isinalin ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila sa principal at mga guro para sa muling pagbubukas nito sa Tondo.

Pinangunahan ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang simbolikong pagbigay ng mga susi sa principal ng nasabing eskwelahan na si Graciano Budoy Jr. katuwang si Manila 1st District Congressman Ernix Dionisio.

Nagpahayag naman ng pasasalamat si Budoy, sampu ng kanyang 305 na teaching at non-teaching personnel, kina dating Yorme Isko Moreno Domagoso at Mayor Honey Lacuna-Pangan sa silang pasimuno para matupad ang matagal na nilang pangarap na magkaroon ng bagong gusali.

“Amin itong susuklian sa pamamagitan ng pag-iingat na mabuti… Ito ay mananatiling bantayog ng kahusayan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila. Ibibigay po namin ang pinakamataas na antas ng edukasyon,” ani Budoy.

Sa kanya namang talumpati, sinabi ni Mayor Lacuna-Pangan na ang pagtatayo ng ganitong uri ng napakagandang gusali ay bunga ng isang pangarap ng isang batang Almario sa katauhan ni Yorme Isko Moreno Domagoso.

Sinariwa naman ni Yorme Isko ang kanyang magagandang alaala noong siya ay estudyante pa ng naturang pampublikong paaralan kasabay ng pasasalamat sa kanyang mga guro.

“I hope sa mga teacher ko, I did not fail you, Sama sama tayo, patunayan natin hindi lang sa Tondo, hindi lang sa Maynila, kundi sa buong bansa na ang Tondo ay pandayan ng husay at talino,” sabi pa ng dating alkalde sa kanyang talumpati.

Matatandaan na naitayo ang nasabing gusali sa Kagitingan St, sa Tondo na may 227 na silid-aralan, 12 opisina, library, anim na science room na pawang air-conditioned, auditorium, gymnasium, dalawang outdoor basketball courts na puwedeng gawing football field, dalawang roof deck outdoor sport at walong elevator na kayang magsakay ng kabuuang 192 na estudyante. JAY Reyes

Previous articlePuganteng Taiwanese, kasamahan arestado sa online scam
Next articleIlang kaso ng pagpaslang sa mga mamamahayag, pinag-usapan ng DOJ at ng UN Special Rapporteur