Home OPINION 100 PATAY SA PAPUTOK SA KASAL

100 PATAY SA PAPUTOK SA KASAL

SINASABING lalabis sa 100 ang namatay habang nasa 150 ang nasugatan nang sumabog ang mga paputok na inihanda ng mga ikinasal sa Hamandiya district, Nineveh province sa bansang Iraq nitong nagdaang araw lamang.

Lumikha rin ng malaking sunog sa venue ng kasal ang pangyayari.

Nag-iimbestiga pa ang mga awtoridad kung paano nangyari ang malagim na disgrasya at nagpapasalamat na lang ang mga ikinasal sa hindi nila pagkakadamay bagama’t nalulungkot sila para sa mga nasawi at nasugatan.

Ngunit lumilitaw na habang nag-a- “I do” ang ikinakasal, nagsindi ng kandila ang mga abay at ninong at nagsindi rin ng paputok ang iba.

Makaraang lumipad ang mga paputok, sumabog din ang mga pondo ng fireworks display at mga reserbang nakaimbak at katabing paputok.

Doon na namatay agad ang marami sa mga biktima habang namatay sa ospital ang iba.

Bukod sa natamaan ng mga paputok, namatay at nasugatan din ang iba sa stampede nang magkagulo at tumatakas ang iba sa venue ng kasal.

Inaalam pa ang kaugnayan ng mga kandila na kanilang sinindihan.

Bukod sa posibleng depekto ng sistema sa paputok at maling pag-operate nito, sinisilip din kung may nauugnay na terorismo o personal na mga dahilan ng pangyayari.

At kung may nagamit na iba pang mga paputok na sadyang inilagay sa gitna ng pwesto ng kasalan para may mamatay.

PAPUTOK GAYA NG BOMBA

Grabe talaga ang paputok, parang isang malaking bomba ito kung maramihang puputok.

Sa mga imbestigasyon sa mga nasasabugan sa mga bayan ng Bocaue at Sta. Maria, Bulacan at iba pang lugar, walang palatandaan kung sino-sino ang mga biktima.

Basta natatagpuan na lang ang mga parte ng katawan ng tao na putol-putol, sibak-sibak o kaya’y mga maliliit na lang na laman na nakasabit sa mga puno, nakakalat sa bubong ng mga bahay o nagkalat sa mga bakanteng lugar.

Kaya naman, hindi lahat ng biktima ay nairerekord ng mga pulis at iba pang mga awtoridad, lalo na kung namatay at nagkagutay-gutay ang lahat sa loob ng pagawaan o tindahan ng mga paputok.

Diyan nawawala ang pagkukunan ng mga impormasyon sana ukol sa mga biktima at pinagmulan ng disgrasya.

Pero para sa mga insidenteng may mga surbaybor, mga Bro, naikukwento nilang sa pagbunot o pagsaksak lang ng de-kuryenteng gamit ng kamay na pulbura, doon na nagsisimula ang mga pagsabog ng mga kwitis, rebentador, sawa, fireworks display at iba pa.

May nagsasabi ring nagmumula ang maagang pagputok sa igsi ng mga mitsa ng mga paputok o may nagsisindi ng mga yosi o kandila malapit sa mga paputok.

Maaari rin umanong mitsa ng paputok ang likot ng mga bata at mga lasing na may dalang mga panindi.

HUWAG MAGPAPUTOK!

Para sa mga ikakasal, magsilbi sanang leksyon ang nangyari sa Iraq.

Umiwas na lang sa paputok para iwas disgrasya na rin.

Previous articleMAG-INGAT SA PAGBILI NG CHRISTMAS LIGHTS
Next articleLPA namataan sa silangan ng Extreme Northern Luzon