MANILA, Philippines- Hindi bababa sa 100 Pilipino sa Lebanon ang hiniling na makauwi sa Pilipinas sa gitna ng umiigting na tensyon sa southern border.
Sa mensahe ni Department of Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega nitong Lunes, sinabi niya na nasa 100 Pilipino ang nagsabing nais nilang umuwi sa Pilipinas.
Batay sa datos mula sa Philippine embassy sa Beirut, sinabi ni de Vega na mayroong 17,500 Pilipino sa Lebanon.
Matatandaang itinaas ng DFA ang crisis alert level sa Lebanon sa 3, kung saan pinapayuhan ang mga Pilipino na ikonsidera na umalis sa lugar at iwasang maipit sa sagupaan sa pagitan ng Hezbollah militants at Israeli troops.
Gayundin, pinayuhan ng Philippine embassy sa Lebanon ang mga Pilipino na umiwas sa mga pampublikong lugar at pagtitipon sa Lebanon, partikular sa katimugan. RNT/SA