NITONG Sabado, tinalakay natin ang senior citizen nang Angat Dam kaugnay ng posibleng pagdating ng “The Big One” o malakas na lindol mula sa West Valley Fault.
Mula sa Norzagaray, Bulacan hanggang sa Laguna at Cavite at daraan sa pagitan ng EDSA at Laguna de Bay ang The Big One na magnitude 7.2.
Kung ano ang magiging intensity nito o pagyanig sa ibabaw ng lupa, depende kung gaano kababaw o kalalim ng lindol.
Sa lindol sa Cabanatuan City-Baguio City noong Hulyo 16, 1990, magnitude 7.8 ang lakas nito at kapareho nito ang naganap sa Turkey-Syria kamakailan lang.
Gayunman, naganap ang paggalaw ng lupa sa Cabanatuan-Baguio mga 25 kilometo ang lalim samantalang 17 kilometro lang ang sa Turkey-Syria.
Kaya hanggang intensity 9 lang ang Cabanatuan-Baguio quake samantalang intensity 11 o extreme ang sa Turkey-Syria at lumagpas sa sukatan na 10 lamang.
ANG ANGAT DAM
Ipinagmamalaki ng mga nag-repair sa Angat Dam na natapos na ang pagpapalakas at pagpapatibay rito, lalo na ang paggawa ng mga dike na pangkulong ng tubig at palalabasin lang kung kinakailangan gaya ng 95 porsyentong tubig ng Metro Manila at irigasyon para sa mga magsasaka sa parteng Bulacan.
Ang katanungan dito, bakit hanggang magnitude 7.2 lang ang ginawang lakas nito samantalang makaraan lang ang Cabanatuan-Baguio quake noong 1990, nagbababala na ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology na magnitude 7.2 ang The Big One.
Paano kung magiging mababaw lang ang galaw ng lupa para maging extreme o lagpas sa sukatan sa intensity ang galaw naman sa lupang ibabaw gaya ng nangyari sa Turkey-Syria?
Sana nga hindi mabitak o magiba ang Angat Dam pagdating ng The Big One.
O ang 100,000 katao sa Bulacan na malulunod sa 30 metrong taas ng tubig na raragasa mula Angat Dam, magdasal-dasal na…kung may time.