Home NATIONWIDE 104 grupo naghain ng manipestasyon para sa 2025 party-list race

104 grupo naghain ng manipestasyon para sa 2025 party-list race

MANILA, Philippines- Kabuuang 104 organisasyon na ang naghain ng kanila-kanilang manifestations para lumahok sa party-list race para sa May 2025 midterm elections.

Naglabas ang Commission on Elections nitong Huwebes ng listahan ng Sectoral Parties, Sectoral Organizations, Political Parties, at Coalition of Political Parties na naghain ng Manifestation of Intent (MIP) to Participate sa Party-List System of Representation Elections para sa susunod na halalan.

Ayon kay Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, ang listahan ay hindi pa pinal dahil sa sasailalim pa sa pagsusuri ng poll body.

“As always po, subject to the rulings of the Commission po ang final list, for update po ng Clerk of the Commission. List lang po ito ng nag-file ng MIP until 12/29/23. Under the law, groups aspiring to participate in the party-list polls must file the Manifestation with the poll body,” dagdag pa ni Laudiangco.

Sa kanilang banda, sinabi ni Comelec chairperson George Garcia na ang isang organisasyon na naghahangad na sumali sa party-list polls ay dapat lamang maghain ng isang MIP.

“Kapag more than one, ibig sabihin may internal conflict sa party or organization. Kaya nagkakaroon ng intra-party dispute that will be resolved by Comelec,” sabi ni Garcia.

Kabilang sa mga naghain ng kanilang MIP ay ang KASAMA – Kasama Regional Political Party, SULONG DIGNIDAD – Sulong Dignidad Regional Political Party, ACT-CIS – Anti-Crime and Terrorism – Community Involvement and Support Inc., TULUNGAN TAYO – Tulungan Tayo at DIWA PARTYLIST – Democratic Partylist ng Independent Workers Association.

Sinabi ng Comelec na ang mga pangalan ng party-list nominees ay maaaring isumite sa ibang araw. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleMandatory contributions ng Pag-IBIG, PhilHealth nagbabadyang tumaas ngayong 2024
Next article4 coastal areas sa VisMin sapul ng red tide