MANILA, Philippines – Isasaayos na ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) ng Bangsamoro government ang mahigit 100 daycare centers sa mga probinsya ng Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur na sinira ng bagyong Paeng noong nakaraang taon.
Ayon kay Engr. Yusoph Pilas ng MSSD Engineering Section, nabalahaw sa mga nasirang pasilidad ang pagsasagawa ng early childhood care at development lessons sa mga apektadong komunidad.
Sinabi pa ni Pilas na umiikot na ang kanilang mga tauhan sa mga komunidad para suriin ang lawak ng mga ipapaayos at kung ano ang mga kailangang gawin, kasabay ng inaasahang gagastusin para rito.
Umaasa naman siya na makukumpleto na ang proseso sa pagtatapos ng buwan.
Sa imbentaryo ng MSSD, aabot sa 109 daycare centers ang nasira dahil sa bagyo noong nakaraang taon.
Ito ay matatagpuan sa mga bayan ng Rajah Buayan, Datu Anggal Midtimbang, Ampatuan, South Upi, Datu Saudi Ampatuan, Datu Salibo, at Datu Montawal sa Maguindanao del Sur; at mga bayan ng Parang, Matanog, Sultan Mastura, Sultan Kudarat, at Upi sa Maguindanao del Norte.
“We hope to complete the repair and rehabilitation of these learning centers by the first quarter of the coming year,” ani Pilas.
Idinagdag pa niya na ang pagpapaayos ay kukunin sa contingency funds ng Office of the Chief Minister.
Samantala, nagsimula na ring mamahagi ang MSSD ng cash assistance sa 960 pamilya mula sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte na nawalan ng tirahan dahil sa bagyong Paeng noong nakaraang taon.
Ang bawat pamilya ay makakatanggap ng P5,800.
Sa bilang ng mga nakatanggap, 278 ang mula sa Kusiong, 172 mula Dinaig Proper, 95 mula Badak, 79 mula Awang, 74 mula Kurintem, 63 mula Tapian, 49 mula Dados, 41 mula Sifaran, 32 mula Poblacion Dalican, 28 mula Taviran, 15 mula Kakar, 9 mula Labungan, 5 mula Baka, 5 sa Ambolodto, 4 sa Neketan, 4 sa Mompong, 3 sa Tanuel, 2 sa Tenonggos, 1 mula Tamontaka, at 1 mula Dulangan.
Matapos ang cash assistance, ang mga pamilyang ito ay bibigyan ng recovery support sa pamamagitan ng emergency shelter assistance para sa pagbili ng construction materials at pagpapaayos ng kanilang mga tirahan. RNT/JGC