MANILA, Philippines – Nakapagtala ang Department of Health (DOH) nitong Martes, Mayo 16, ng 1,088 bagong kaso ng COVID-19.
Ito na ang ika-13 araw na ang mga naitatalang kaso ay mahigit 1,000.
Sa kabila nito ay bumaba sa 15,229 ang aktibong kaso ng COVID-19 habang umakyat naman sa 4,118,013 ang nationwide tally.
Nakapagtala naman ang DOH ng 1,754 bagong gumaling sa sakit, at ang recovery tally ay umakyat naman sa 4,036,331.
Nananatili naman sa 66,453 ang death tally.
Naitala sa National Capital Region ang may pinakamataas na mga bagong kaso ng COVID-19 sa nakalipas na dalawang linggo sa 9,416, sinundan ng Calabarzon sa 5,077, Central Luzon sa 1,687, Western Visayas sa 1,173, at Bicol Region sa 762.
Hanggang noong Linggo ay nasa 20.2% ang bed occupancy sa bansa sa 5,119 kama na okupado at 20,192 kama na bakante. RNT/JGC