MANILA, Philippines – Isang suspek na nahaharap sa kasong acts of lasciviousness at napapabilang na 10th most wanted sa district level ang arestado sa isinagawang manhunt operation Miyerkules ng hapon, Setyembre 20 sa Las Piñas City.
Kinilala ni Las Piñas police chief P/Col. Jaime Santos ang nadakip na suspek na si Jonathan Hacutan, residente ng Las Piñas City.
Base sa report na isinumite sa Southern Police District (SPD), nadakip si Hacutan dakong alas 3:00 ng hapon sa kahabaan ng Riverside Basa Subdivision, Barangay Zapote, Las Piñas City.
Ang pagkakaaresto kay Hacutan ay naganap sa bisa ng warrant of arrest na inisyu nitong Setyembre 11 ni Las Piñas City Family Court Judge Mildred Jacinto Marquez ng Branch 2.
Nakasaad din sa inisyung kopya ng warrant of arrest ni Marquez ang rekomendasyon ng piyansa na nagkakahalaga ng P400,000 para sa kanyang dalawang counts ng acts of lasciviousness.
Naging matagumpay ang pagsasagawa ng operasyon laban kay Hacutan na nagdulot ng pagkakadakip ng suspect ng pinagsanib na pwersa ng Warrant and Subpoena Section (WSS) at Intelligence Section (IS).
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Las Piñas City police si Hacutan habang naghihintay ng commitment order para sa kanyang paglipat ng piitan sa Las Piñas City jail. James I. Catapusan