MANILA, Philippines – Aabot sa 110,629 residente, mula sa 25,580 pamilya sa lima sa anim na probinsya sa Western Visayas ang inilikas dahil sa matitinding pagbaha dulot ng habagat na pinalakas ng bagyong Egay.
“Of which 1,612 families or 5,668 persons were served inside 82 evacuation centers and 35 families or 1,196 persons serve out the temporary shelters,” saad sa ulat ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Biyernes, Hulyo 28.
Pinakamatinding napuruhan ng mga pagbaha ay ang Negros Occidental na may 56,720 inilikas na residente, Iloilo sa 36,648 indibidwal,
Aklan, 10,102 katao, Antique, 6,882 katao at Guimaras na may 276 katao ang inilikas.
Namahagi na ang Department of Social Welfare and Development ng family food packs kasama ang hygiene kits, kitchen at sleeping kits na nagkakahalaga ng P3.224 milyon sa mga residente sa iba’t ibang lokal na pamahalaan.
Samantala, iniulat naman ng Provincial Disaster Management Program Division sa Negros Occidental na mayroong 1,003 napinsalang bahay, kabilang ang 58 damaged at 945 partially damaged homes sa 15 lungsod at munisipalidad.
Nasa 409 na magsasaka rin mula sa siyam na LGU ang napinsala ang mga pananim na bigas at iba pang gulay na nagkakahalaga ng P7.55 milyon. RNT/JGC