Home METRO 116 ektarya ng gubat nasunog sa yosi

116 ektarya ng gubat nasunog sa yosi

MANILA, Philippines – Napinsala ng sunog sa kagubatan ang 116.43 ektarya na sakop ng National Greening Program (NGP) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa anim na munisipalidad ng Antique.

Sinabi ni Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) chief Louie Laud na ang mga lugar na apektado ng forest fire ngayong taon ay nasa mga munisipalidad ng Laua-an, Bugasong, Valderrama, Patnongon, Sibalom, at San Remigio.

“Ang mga sunog sa kagubatan ay dahil sa upos ng sigarilyo na itinapon o iba pang interbensyon ng tao,” sabi niya.

Tinatayang nasa P2.02 milyon ang halaga ng pinsala mula nang masunog ang mga halaman at puno, kabilang ang kape, guyabano, kawayan, at troso.

Sinabi ni Laud na hinihiling nila ang mga local government unit na kumuha ng mas maraming Bantay Gubatupang dagdagan ang kanilang mga tauhan sa pag-iwas sa mga katulad na insidente.

Bukod sa proyekto ng NGP, dalawang insidente ng sunog ngayong buwan ang nakaapekto rin sa 14 na ektarya ng preserved area sa Sibalom Natural Park sa Barangay Cabladan, bayan ng Sibalom. Santi Celario