Home NATIONWIDE 119 barangay nadagdag sa red category sa BSKE

119 barangay nadagdag sa red category sa BSKE

MANILA, Philippines – Nadagdagan pa ang mga barangay na inilagay sa red category ng Commission on Elections (Comelec) sa listahan ng “areas of concern” sa papalapit sa barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre 30.

Sa updated list na may petsang Oktubre 20, ngayon ay mayroon nang 361 barangay ang nasa ilalim ng red category mula sa 242 noong nakaraang buwan.

Ang karagdagang 119 ay nagmula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa Region 8 naman, tatlo pang barangay ang inilipat sa red category habang nadagdagan ng dalawa sa Region 5.

Apat naman ang naalis mula sa red category sa Region 2 at isa sa Region 9.

Ipinaliwanag ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco ang konsiderasyon sa pagtukoy ng klasipikasyon ng barangay para rito.

“Kino-consider ‘yung occurrence of suspected election related incidents, intense political rivalry, possible employment of partisan or private armed groups, occurrence of politically motivated election related incidents,” ani Laudiangco.

“Tumataas ang category mula sa generally peaceful na green, paangat sa yellow, orange hanggang sa pinakamataas na concern na red kung saan halos lahat ng factors na nabanggit ay kasama,” dagdag pa niya.

Ang paglalagay sa isang lugar sa red category ay hindi awtomatikong nangangahulugan na dapat nang isailalim sa COMELEC control ang isang barangay.

Kailangan pa rin umanong suriin ang sitwasyon doon.

Sa National Capital Region, ang Barangay Bagong Silangan ay inilagay na sa “green category”, nangangahuugan na lahat ng 1,710 barangay sa rehiyon ay maituturing na “generally peaceful.”

Mayroong 42,001 barangay sa bansa at karamihan dito, o 39,170 ang nasa ilalim ng green category. RNT/JGC

Previous articleBTr sa mga babaguhing probisyon sa IRR ng Maharlika, ‘no details yet’
Next articleSC sa mga empleyado: ‘Proper cyber hygiene’ panatilihin sa hacking incidents