MANILA, Philippines – Ibinaon sa lupa sa compound ng research center ng Department of Agriculture sa Zamboanga City nitong Sabado, Pebrero 4 ang nasa mahigit 11,000 sako ng sibuyas.
Sa impormasyon, ang mga sibuyas na ito ay nasamsam sa tatlong magkakasunod na operasyon ng mga awtoridad sa mga illegal na produktong ipinapasok sa lungsod.
Ani Florelei Mariano, Quarantine Officer ng Bureau of Plant Industry, ayon sa batas ay kinakailangan na agad sirain o ibalik sa lugar na pinanggalingan ng kontrabando ang mga nasasamsam na agricultural products.
Dahil sa dami ng mga nasabat na sibuyas, wala umanong kakayahan ang BPI sa Zamboanga na suriin pa ito upang maityak kung mataas ba ang pesticide content nito, dahilan para hindi rin ito maaaring ibenta sa publiko.
Dagdag ni Mariano, posibleng may dala ring ibang sakit ang mga sibuyas na ito na posibleng magdulot ng peste sa iba pang mga agriculture products sa lungsod.
Nauna nang hiniling ng pamahalaang lokal na ibenta na lamang sa publiko ang mga nasabat na sibuyas kasabay ng mataas pa rin na presyo nito sa mga pamilihan.
Sa kabila nito, sinabi naman ni Zamboanga City Vice Mayor Josephine Pareja, na kailangan pa ring respetuhin ang batas kung sinasabi nito na kailangang sirain ang mga produkto na hindi dumaan sa pagsusuri. RNT/JGC