Home NATIONWIDE 125K OFWs sa Taiwan makikinabang sa taas-sahod

125K OFWs sa Taiwan makikinabang sa taas-sahod

TAIWAN – NASA 125,000 overseas Filipino workers (OFWs) sa bansang ito ang makikinabang sa ipatutupad na taas-sahod, ayon sa Manila Economic and Cultural Office (MECO) ngayong Linggo, Disyembre 24.

Sa 151,562 OFWs sa Taiwan, sinabi ng MECO na ang bagong panukala, na nagbibigay ng mga mekanismo para sa taunang pagsusuri ng sahod, ay inaasahang pakikinabangan ng 123,768 Filipino factory worker at sa mga tatanggapin pa hanggang Disyembre 31, 2023.

“Our OFWs in Taiwan will enjoy a good start of the new year with their wages being increased,” ani MECO Chairman Silvestre Bello III sa isang pahayag.

Pinuri rin ni Bello ang kilos ng Taiwanese government sa pagsasaalang-alang sa kapakanan ng mga OFW.

Itinaas ng Minimum Wage Act ng Taiwan ang buwanang minimum na suweldo ng 3.89% (NT$1,070) na epektibo noong Enero 1, 2024.

Ang bagong minimum na sahod ay tataas mula NT$26,400 (₱44,800) hanggang NT$27,470 (₱46,699), habang ang basic hourly rate ay tataas mula NT$176 hanggang NT$183.

Layunin ng wage act na mapabilis ang pagsasaayos ng minimum wage ng Taiwan sa pamamagitan ng pagtataas ng minimum na sahod batay sa taunang pagtaas ng consumer price index (CPI) na isang paraan upang matiyak na ang sahod ng manggagawa ay nananatiling napapanahon sa mga pagbabago sa halaga ng pamumuhay. RNT

Previous article4-anyos patay sa taga ng ama!
Next article₱2.6-M cocaine natagpuan sa pampang