MANILA, Philippines – Nakapagtala na ang Pilipinas ng 125,975 kaso ng dengue mula Enero 1 hanggang Setyembre 9 ngayong taon, mas mababa kumpara sa mga kaso sa nagdaang limang taon ayon sa Department of Health (DOH) nitong Miyerkules, Setyembre 27.
“Currently cases are plateauing and we have an average of 5,000 cases reported per week since mid-June 2023,” sabi ni Angelica Garcia, supervising health program officer ng DOH Epidemiology Bureau sa Dengue Forum 2023.
Gayunpaman, ang datos ay nagpakita ng tuloy-tuloy na uptrend o pagtaas sa mga kaso sa nakalipas na anim na linggo sa Cagayan Valley.
Nagpakita rin ng pagtaas ng kaso sa nakalipas na tatlo hanggang apat na linggo sa Cordillera Administrative Region, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Central Luzon, Metro Manila, at Caraga, karamihan ay mula sa Luzon area ayon kay Garcia.
Sa kabila ng pag-plateau sa kaso ng dengue, hindi isinasara ng DOH ang posibilidad ng pagtaas ng kaso dahil sa tag-ulan.
Sinabi ng DOH na mga menor de edad ang nanatiling pinaka-apektadong age group, na may 70% ng kabuuang mga kaso.
Kinikilala ng DOH ang mahalagang papel ng pagbabakuna sa pag-iwas sa impeksyon at malubhang sakit at pagbibigay ng proteksyon sa mga tao.
Sinabi ni Garcia na handa ang health promotions bureau na pag-aralan kung ano ang mabuti upang mahikayat ang publiko na magpabakuna.
Karamihan sa mga kaso ng dengue ay walang babala o warning sings ngunit ang karaniwang simtomas ay lagnat, pananakit ng ulo, body pain, pagsusuka at rashes.
Hinikayat ng DOH ang publiko na sundin ang 5S: “search and destroy mosquitoes, self-protect, seek consultation, support fogging in outbreak areas and sustain hydration.” Jocelyn Tabangcura-Domenden