Home NATIONWIDE 14 Pinoy repats galing Gaza darating sa Pinas sa Peb. 21

14 Pinoy repats galing Gaza darating sa Pinas sa Peb. 21

MANILA, Philippines- Nakatakdang dumating sa Pilipinas ang bagong batch ng Filipino repatriates mula sa Gaza Strip sa Miyerkules, Pebrero 21, 2024, ayon sa Philippine Embassy sa Egypt.

Binubuo ang grupo ng 14 Pilipino kasama ang dalawang kaanak na Palestinian, ayon sa embahada.

Nakatawid sila sa Rafah border, sa tulong ng Philippine Embassy sa Egypt, mula Gaza noong Pebrero 17 sa gitna ng pag-atake ng Israeli troops laban sa Hamas militants.

“This latest batch of repatriates is scheduled to leave Cairo on 20 February 2024 and will arrive in Manila on 21 February 2024,” pahayag ng embahada sa Facebook.

“To date, 136 of the 137 Filipinos have been evacuated from Gaza to Egypt,” dagdag nito.

Sa pagtutulungan ng Philippine Embassies sa Egypt, Jordan at Israel, maging ng Department of Foreign Affairs – Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (DFA-OUMWA) ay naging posible ang paglikas. 

Sumiklab ang karahasan sa Gaza nang atakihin ng Hamas noong October 7 ang Israel na nagresulta sa pagkamatay ng halos 1,160 indibidwal, karamihan ay sibilyan, base sa Agence France-Presse tally ng Israeli official figures.

Dinukot din ng Hamas militants ang 250 hostage, 130 sa kanila ang nananatili sa Gaza, kabilang ang 30 na hinihinalang patay na, batay sa Israeli figures.

Dahil dito, inatake rin ng Israel ang Gaza na kumitil sa halos 28,858 indibidwal, karamihan ay mga kababaihan at mga bata, batay sa health ministry ng Hamas-run territory. RNT/SA

Previous articleAnak ni Vhong, pasok sa Batang Quiapo!
Next articleInfra damage sa Amihan, LPA lampas P1B na