MANILA, Philippines- Sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Huwebes na 14 proyekto ang sinisilip na itayo sa apat na bagong Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) locations na nauna nang inanunsyo ng American at Filipino defense authorities.
“On the new sites, identified na rin yung mga projects to be constructed in those areas. So we’re looking (at) mess hall, rehabilitation of runway, construction of additional billeting facilities, acquisition of generators, installation of electrical system, (and) construction of pier with water supply,” pahayag ni AFP spokesperson Col. Medel Aguilar.
Sinabi rin niya na kasama maging ang konstruksyon ng humanitarian and assistance disaster relief (HADR) warehouses, HADR hangars na may electrical at water facilities, konstruksyon ng billeting o barracks para sa mga tauhan at command at control fusion system.
Subalit, hindi siya nagbigay ng detalye sa mga proyekto na ipatutupad sa apat na bagong lokasyon.
Naghihintay pa ang nasabing mga proyekto ng pondo para sa implementasyon.
Kabilang sa karagdagang EDCA locations ang Naval Base Camilo Osias sa Sta. Ana, Cagayan; Lal-lo Airport sa Lal-lo Cagayan; Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela; at Balabac Island sa Palawan, na bukod sa limang naunang lokasyon na pinili ng Manila at Washington DC.
Kabilang dito ang Cesar Basa Air Base sa Floridablanca, Pampanga; Fort Magsaysay Military Reservation sa Nueva Ecija; Lumbia Airport sa Cagayan De Oro; Antonio Bautista Air Base sa Puerto Princesa, Palawan; at Benito Ebuen Air Base sa Cebu. RNT/SA