Home NATIONWIDE 16 proyekto pinasinayaan, subsidiya sa 4K magsasaka tinaasan ng NIA

16 proyekto pinasinayaan, subsidiya sa 4K magsasaka tinaasan ng NIA

MANILA, Philippines – PARA mapataas ang ani sa mga lalawigan aabot sa 4,466 na magsasaka mula sa 15 Irrigators Associations (IA) ang makikinabang sa 16 na natapos na proyekto ng National Irrigation Administration (NIA) sa Bulacan.

Sa press release iniulat ng NIA ang turnover ng ilang proyekto noong Lunes, kabilang ang BUSPAN Solar Pump Irrigation Project sa Bustos, ang Repair and Rehabilitation ng Angat-Maasim River Irrigation System (AMRIS) sa San Rafael, ang ANBUSPA Solar Pump Irrigation Project sa Bustos, ang Alagao Communal Irrigation System (CIS) sa San Ildefonso, ang Cacarong CIS sa Pandi, at ang Maligaya CIS at Sibul CIS sa San Miguel.

Kaugnay nito nakakuha din ang NIA ng mga kontrata sa 152 IA para sa Modified Irrigation Management Transfer (IMT), na nagbibigay ng pagtaas sa subsidy sa operations and maintenance (O&M) ng mga magsasaka.

Nangangahulugan ito na ang mga magsasaka ay tatanggap ng mas mataas na subsidy na PHP500 kada ektarya kada pag-crop, mas mataas kumpara sa dating PHP100/ha/cropping.

Samantala, sinabi naman ni NIA Region III Manager Josephine Salazar na bahagi ito ng mga aksyon ng ahensya para matiyak ang “whole-of-government” sa pagtulong sa mga lokal na magsasaka.

“Gaya nga po ng sinabi ng ating Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi na pwedeng kanya-kanya sa gobyerno ang pagtatrabaho ” sabi niya.

Binanggit ni Salazar ang convergence ng mga programa sa pakikipagtulungan sa Department of Agriculture, National Food Authority, Department of Labor and Employment, Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization, Philippine Rice Research Institute, at Department of Social Welfare and Development.

Samantala sa Marso, maglulunsad ang NIA ng mga katulad na aktibidad sa Tarlac, Nueva Ecija, Aurora, Pampanga, Bataan, at Zambales. Santi Celario

Previous articleMga parak target ibalik sa ‘pito at batuta’ sa police ops – Acorda
Next articleSolon sa DFA: Singapore pagpaliwanagin sa Taylor Swift exclusive concert