Home NATIONWIDE 16 Vietnamese na may kahina-hinalang dokumento hinarang ng BI

16 Vietnamese na may kahina-hinalang dokumento hinarang ng BI

MANILA, Philippines – HINARANG ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang nasa 16 na Vietnamese national na hinihinalang magtangkang pumasok sa bansa para magtrabaho sa mga ilegal na online gaming hub.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, karamihan umano ng mga dayuhan na nagtatangkang pumasok sa bansa bilang mga turista ay nauuwi sa ilegal na trabaho.

“These foreign nationals have all the complete documents needed as they are pretending to be regular tourists,” ani Tansingco. “But careful scrutiny will show that they have a different intention of coming to the Philippines,” dagdag pa ni Tansingco.

Ayon sa BI, ang mga dauhan na binubuo ng 12 lalaki at 4 na babae ay naharang noong Abril 25 matapos lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sakay ng Cebu Pacific flight mula Ho Chi Minh.

Nabatid sa pangunahing inspektor at miyembro ng immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) na hindi alam ng mga naharang na dayuhan kung anong mga lugar ang kanilang bibisitahin sa Pilipinas.

Sa parehong petsa, pinagbawalan ng I-PROBES ng BI ang pagpasok ng limang lalaking Chinese na pinaghihinalaang papasok upang magtrabaho bilang mga manggagawa.Dumating ang limang lalaki sa NAIA Terminal 1 mula Quanzhou, China sakay ng Xiamen Air flight.

“They were excluded for being likely to become a public charge after officers found that they are unable to support their personal stay in the country,” saad ng BI.

Noong Abril 26, pinagbawalan din ng BI ang pagpasok ng 3 babaeng Vietnamese at 1 Chinese na lalaki para sa kahina-hinalang layunin ng paglalakbay sa bansa.

Samantala, sinabi ni Tansingco na naglabas siya ng kautusan na nag-aalerto sa mga tauhan ng BI na namamahala sa mga pantalan matapos makatanggap ang bureau ng intelligence reports na ang mga sindikato ng human smuggling ay muling nagtangka magpasok ng mga ilegal na dayuhan.

“Since last month, I have ordered our immigration officers deployed international airports to be on the lookout for certain foreign nationals who would attempt to enter the country disguised as tourists but whose real intent is to work here illegally in violation of the conditions of their admission and stay as temporary visitors,” ani Tansingco. Jay Reyes