MANILA, Philippines – Patuloy ang pagbaba ng naitatalang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, ayon sa datos mula sa Department of Health (DOH).
Base sa pinakabagong ulat ng DOH na umabot sa 1,637 na bagong kaso ng COVID-19 ang naitala nitong Lunes.
Ang aktibong mga kaso ng infection sa bansa ay bumaba rin sa 16,053 mula sa 16,422 noong Linggo.
Ang kabuuang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa buong bansa ay umabot na sa 4,129,265.
Ang bilang ng mga gumaling ay umakyat ng 2,006, na nagresulta sa kabuuang 4,046,746 na mga gumaling. Ang bilang ng mga namatay ay umabot sa 66,466.
Sa Metro Manila naitala ang pinakamaraming bagong kaso sa loob ng dalawang linggo, na sinusundan ng CALABARZON, Central Luzon, Western Visayas, at Bicol Region.
Ang hospital bed utilization rate ay nananatiling nasa mababang panganib na antas, kung saan 21.1% o 5,327 sa kabuuang 25,298 na kama ang occupied at mayroon pang 19,971 na bakante. RNT