MANILA, Philippines – Inihayag ni Senate Majority Leader Joel Villanueva nitong Biyernes, Agosto 4, na makatatanggap ng 17.8% increase ang flood control programs sa ilalim ng proposed 2024 national budget kahit pa kabi-kabila ang mga pagbaha sa bansa.
“Imagine, P182 billion this year. Next year, P215.6 billion. Nag-increase ang budget ng flood control ng 17.8 percent. Kahit sa harap ng pangulo, kaya kong sabihin na in the past four decades, past five or six administrations, di talaga nabubuo, walang pakinabang. Nasasayang ang salapi ng bayan,” pahayag ni Villanueva.
“Kung titignan mo, pinagsama sama mo ang budget ng flood control program ng pamahalaan napakalaki e…pag tiningnan mo nung mga nakaraang panahon, palpak talaga e,” dagdag pa niya.
Ang pahayag na ito ng senador ay kasunod ng kanyang pagsasabi na kailangan na ng integrated flood control plan sa bansa na magkokonekta ng drainage system sa iba’t ibang lugar upang mabawasan ang problema ng pagbaha.
Ani Villanueva, maging si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay “very concerned” sa problema ng pagbaha.
Pinag-usapan umano ng Pangulo at mga mambabatas ang problemang ito sa dinner na idinaos sa Malacanang Palace nitong Miyerkules.
Kaugnay nito, nakatakdang mag-imbestiga at magsagawa ng hearing ang Senado sa Agosto 9.
Kabilang sa mga isyung tatalakayin ay ang protocol sa pagpapakawala ng tubig sa dam,
master plan para sa flood control sa Central Luzon, at posibilidad na pagsasama ng integrated flood control master plan sa proposed Department of Water Resources.
Sa hiwalay na panayam, sinabi naman ni Senator JV Ejercito na ipapanukala nitong isama ang waterways system at energy facilities sa panukala na magtatatag ng National Infrastructure Master Plan dahil sa problema ng mga pagbaha sa bansa.
Umaasa siyang sisertipikahan ito ng Pangulo bilang urgent.
Bago rito, naghain na si Villanueva ng resolusyon na naglalayong imbestigahan ang “perennial” problem ng pagbaha sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.
Samantala, sinabi ni Senate public works committee chairman Bong Revilla na ipatatawag ng panel sina Public Works Secretary Manuel Bonoan at Metropolitan Manila Development Authority chairman Romando Artes upang pagpaliwanagin sa hindi masolusyunang pagbaha. RNT/JGC