MANILA, Philippines – Ipatutupad na ng Philippine National Police ang pagbibitiw sa pwesto ng 18 senior officers na sangkot umano sa illegal na droga makaraang tanggapin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanilang resignation.
“They are deemed resigned,” ani PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr.
Sa ulat, natanggap na ni Acorda ang mga dokumentong pinirmahan ni Marcos para sa implementasyon ng pagtanggal sa serbisyo sa mga ito.
Kailangan pang tingnan ng PNP kung makatatanggap pa rin ng benepisyo ang third-level officers, sinabi naman ni Acorda na posible pa rin ito lalo sa paraan nila ng pag-alis sa serbisyo.
Ani Acorda, dahil sa 18 bagong bakanteng posisyon ay posibleng magkaroon ng paggalaw sa mga posisyon sa police organization.
Noong Hulyo 25, sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na tinanggap na ni Marcos ang courtesy resignations ng 18 high-ranking officers ng PNP sa umano’y kaugnayan sa illegal na droga.
Kinilala ng PCO ang mga sumusunod na senior police officers:
1. Police Brigadier General Remus Balingasa Medina
2. Police Brigadier General Randy Quines Peralta
3. Police Brigadier General Pablo Gacayan Labra II
4. Police Colonel Rogarth Bulalacao Campo
5. Police Colonel Rommel Javier Ochave
6. Police Colonel Rommel Allaga Velasco
7. Police Colonel Robin King Sarmiento
8. Police Colonel Fernando Reyes Ortega
9. Police Colonel Rex Ordoño Derilo
10. Police Colonel Julian Tesorero Olonan
11. Police Colonel Rolando Tapon Portera
12. Police Colonel Lawrence Bonifacio Cajipe
13. Police Colonel Dario Milagrosa Menor
14. Police Colonel Joel Kagayed Tampis
15. Police Colonel Michael Arcillas David
16. Police Colonel Igmedio Belonio Bernaldez
17. Police Colonel Rodolfo Calope Albotra Jr.
18. Police Colonel Marvin Barba Sanchez
Wala pang tugon ang mga pulis na tinanggal sa serbisyo.
Noong Enero, matatandaan na hiniling ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa mga PNP general at full colonel ang pagpasa ng courtesy resignation bilang bahagi ng cleansing sa ahensya sa mga opisyal na sangkot sa drug trade.
Binuo naman ang five-man advisory group upang suriin ang resignations ng high-ranking officers.
Ang assessment naman ng mga ito ay ipinasa sa
National Police Commission (Napolcom) para sa panibagong review.
Noong Mayo, inirekomenda naman ng Napolcom ang pagtanggap sa ilang courtesy resignations at inisyal na paghahain ng kaso laban sa apat na opisyal.
Ayon kay Abalos, 32 senior officers ang inirekomenda sa karagdagan pang imbestigasyon.
Matapos na makumpleto ang extended probe, sinabi ni Abalos na ang kabuuang bilang ng high-ranking officers na inirekomenda ang resignation na tanggapin ay umakyat sa 18.
Sinuri naman ng PNP ang pangalan ng mga ito at ipinasa para sa rekomendasyon sa Pangulo. RNT/JGC