Home NATIONWIDE 18 pang pakete ng shabu nabingwit sa dagat sa Ilocos

18 pang pakete ng shabu nabingwit sa dagat sa Ilocos

ILOCOS SUR- Matapos ang pagkakadiskubre sa 24 pakete ng shabu na may Chinese markings na palutang-lutang sa dagat sa Brgy. Solotsolot, San Juan, Ilocos Sur nitong Hunyo 24, may nadiskubre na namang 18 pang pakete ng shabu na palutang-lutang sa territorial waters ng Villamar, Caoayan ng lalawigang ito kahapon ng umaga.

Isang 48-anyos na magsasaka na residente ng Brgy. Bia-o, Sta. Maria, Ilocos Sur ang nakadiskubre sa 18 pakete ng shabu na tulad ng 24 na nauna ay may Chinese markings din.

Habang nanghuhuli ng isda sa naturang lugar ang mangingisda, isang kulay itim na sako ang nakita niyang palutang-lutang kaya kinuha niya ito.

Nang buksan niya ang sako para tingnan kung ano ang laman, nakita niya ang 18 pakete ng white crystalline substance.

Agad niya itong iniuwi at sinabi sa asawa ang kanyang nadiskubre.

Kasama ang asawa ay ipinagbigay-alam nila ito sa kapitbahay nilang dating pulis na siya namang nag-report sa kanilang acting mayor at sa Sta. Maria MPS.

Hinala ng kapulisan, ang mga naturang kontrabando ay posibleng nahulog habang ibinabiyahe sa bahagi ng karagatan na sakop ng Ilocos.

Tinatayang nagkakahalaga ng P120,000,000 ang naturang kontrabando habang ang naunang 24 pakete ng shabu ay tinatayang nagkakahalaga naman ng P163,200,000. Rolando S. Gamoso