MANILA, Philippines – Umaabot sa 19 na menor de edad ang ikinasal sa mga matatandang miyembro ng Socorro Bayanihan Services Inc.
Ito ang nadiskubre ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla matapos ang ginawang pagpupulong nitong Huwebes ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa DOJ kaugnay sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa umano’y kulto sa Surigao del Norte.
Nabatid na ang 19 na dalagita ang may mga common law relationship o nagbubuhay mag-asawa kahit hindi kasal o live in sa mga matatandang miyembro ng grupo.
Iginiit ng kalihim na walang bisa ang kasal na isinagawa sa loob ng grupo dahil hindi ito kinikilala ng batas dahil hindi basta maaring ikasal ang sinuman dahil sa umiiral na age of consent at age of marriage sa ilalim ng civil code.
Samantala, maaring patawan ng kaso at mawalan ng parental authority ang mga magulang ng mga menor de edad na ito kung mapatunayang silay naging tulay para sa pagkakasal ng kanilang mga anak. Teresa Tavares