MANILA, Philippines – Tinukoy ng Police Regional Office in Northern Mindanao (PRO-10) nitong Sabado, Setyembre 16 ang 197 barangay bilang election “areas of concern” (AOC) para sa paparating na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Bagama’t tinukoy na AOC, sinabi ni Maj. Joanne Navarro, PRO-10 spokesperson, na wala naman sa mga ito ang inilagay sa ilalim ng “Red” category o critical o intense na nangangailangan ng istriktong pagbabantay ng pulis at militar.
“We only have 155 barangays under (code) Orange which means there were previous records of election-related conflicts but can be managed; there were only 42 barangays under Yellow,” ani Navarro.
Ang yellow areas ay nangangahulugan na may kakaunting kasaysayan ito ng political unrest, habang ang orange areas ay nagpapakita na may naitalang presensya ng armed groups at iba pang insidente na may kinalaman sa peace and order.
Ani Navarro, ang natitirang mga barangay sa rehiyon, o 1,825 barangay ay nasa code Green o mapayapa naman.
“These figures we have, as of August, were relatively lower compared to the previous election season, and these figures might change on the actual election day (Oct. 30),” dagdag ni Navarro. RNT/JGC