Home OPINION 198, ANO ANG BILANG NA ‘YAN?

198, ANO ANG BILANG NA ‘YAN?

MGA katoto, ‘yan ang bilang na iniulat ng Armed Forces of the Philippines patungkol sa mga na-neutralized nilang mga miyembro ng insurektos, o mga peste ng bayan, ang New People’s Army.

198 mula lamang noong January hanggang February 8 ng taon na kasalukuyan. ‘Di ako ang may ulat niyan, kundi si AFP spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla.

Bakit ko ibinabahagi ito sa inyo? Dahil noong una pa, sinasabi na ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. na malaki na talaga ang ikinahina ng pwersa ng NPA. Katunayan, aniya, humigit o kulang na sa 1,500 ang miyembro na lamang ng NPA pagkatapos ng 2023.

Kahit nga raw ang guerilla fronts nitong tinatawag, o yaong mga unit na talagang panlaban nito ay nasa 89 noong 2018 nalimas ito at onse (11) na lamang sa ngayon.

Ibig sabihin, ang NPA, na armadong grupo ng Communist Party of the Philippines, ay paubos na. Sa dami ba naman ng na-neutralized from January to February 8 lamang eh ano pa ipoporma ng mga NPA na ito?

Lalo lang mapipikon ang mga ito, kung babanggitin ko pa ang mga bilang ng na-neutralized ng militar kada taon, magmula 2018.

Ano ba ang na-neutralized? Simple, mayroong napatay, nabaldado dahil sa pakikipag-laban sa mga enkwentro sa ating mga sundalo, o gaya nang ginagawa ng iba, ay sumuko na lang.

Mas mainam na sumuko na lang, ang maipapayo ko sa kanila, dahil sabi nga ni Brawner ay ‘di huhupa ang pagtugis ng AFP sa mga natitira pang kapipiranggot na bilang ng NPA.

Kasi nga may bago ng misyon ang militar, ang paghandaan ang ‘external threat, ang mapang-agaw na gaya ng NPA, ang mga “intsik” na walang habas tayong nilalapastangan sa pag-ubos ng likas na yaman sa West Philippine Sea.

Muntik ko pang malimutan, sa bilang palang 198, 172 ang sumuko ayon kay Padilla. Ibig sabihin pagod na ang NPA sa pakikipagbakbakan. Gutom at kamatayan lang ang napupuntahan. Eh bakit ka nga naman ‘di susuko?

Previous article4Ps cash grant pinatataasan sa Kamara vs inflation
Next articlePATAY KANG BATA KA, PAGMOMOTORSIKLO