Home NATIONWIDE 1M bahay ite-turn over sa 2025 – Housing czar   

1M bahay ite-turn over sa 2025 – Housing czar   

MANILA, Philippines- Inaasahan sa 2025 na maisasakatuparan ang pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpatayo at i-turn over ang isang milyong low-cost housing units kada taon, at posible ang “initial salvo” ng turnover sa susunod na taon, ayon kay Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Acuzar nitong Huwebes.

Sinabi ni Acuzar na sa ilalim ng programa ng gobyerno, magtatayo ng vertical housing projects na karamihan ay in-city development upang mabigyan ang mga benepisyaryo ng mas madaling access sa trabaho, paaralan, at iba pang serbisyo. Subalit wala pang nakukumpletong proyekto sa unang taon ng administrasyon, aniya.

Magugunitang nangako ang Marcos administration, sa pamamagitan ng flagship housing project nito na Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program, na magbibigay ng 6 milyong low-cost homes para sa mga Pilipino na walang tirahan o minimum wage earners. Nilalayon ng proyekto na makapagpatayo ng isang milyong units kada taon upang resolbahin ang 6.5 milyong housing backlog ng bansa.

Ani Acuzar, umaasa siyang maite-turn over sa susunod na taon ang kabuuang 100,000 housing units sa Bulacan, Metro Manila, Pampanga, Bicol, Cebu, at Zamboanga.

“Walang made-deliver pero may naumpisahan na,” aniya sa isang panayam, kung saan binanggit niya na ininspeksyon ng chief executive nitong buwan ang isang government housing project sa San Fernando, Pampanga.

“Kasi building ‘yan eh,” dagdag niya. “Ang paggawa ng building it takes about a year and a half to two years. Hindi ko naman puwedeng madaliin kasi mawawala ‘yong integrity ng building, siyempre kailangan matibay.”

“Do’n sa pacing na hinahanap namin — at wala sanang other problems na dumating sa pagpapatayo ng building — kakayanin. Kunwari, wag lang bumagyo nang dire-diretso, eh di dire-diretso ‘yong pagtayo ng building,” pahayag pa niya.

Sinabi ni Acuzar na dapat maging “synchronized” ang pagsisikap ng gobyerno upang makamit ang 6 million units built sa 2028, at sinabing “doable” ang target dahil ginagamit sa housing program ng pamahalaan ang pondo mula sa private developers. Naglaan lamang ang Kamara ng halos ₱3 bilyon sa pinamumunuan niyang departamento sa 2023 budget.

“Pag ‘yan ang ginamit ko wala akong magagawa. Maghihintay ako ng government funds, last year magkano binigay ng Congress sa amin ₱3 billion tapos gagawa ka ng backlog mo na 6.5 [million units]. Saan ka makakarating?” giit niya. RNT/SA

Previous article‘Ama Namin’ drag video, kinondena: ‘Blasphemous’ – Zubiri
Next articlePaglalabas ng LTO ng digital version ng driver’s license, umarangkada

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here