MANILA, Philippines- Pinasalamatan ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda, ang pamunuan ng Kamara sa suporta nito at sa mabilis na pagpasa ng Kapulungan nitong nakaraang Mayo 11 sa House Bill 7909 na magpapahaba ng dalawang taon uli umiiral na “Estate Tax Amnesty” na akda nito.
Tinataya ni Salceda na siyang chairman ng House Ways and Means Committee, na mahigit 920,000 o halos isang milyong pamilyang Pilipino ang makikinabang sa naturang panukalang batas.
Layuning palawigin ng HB 7909 ang amnestiya sa pagbabayad ng Estate tax o buwis sa mga ari-arian, kasama ang ipinamamanang lupain at bahay, hanggang Hunyo 14, 2025 mula sa nakatakda nitong hangganan sa Hunyo 14 ngayong taon.
Ipinaliwanag ni Salceda sa “Committee on Rules” ng Kamara na ang ideya sa mabisa at mabilis na paglipat sa pag-aari ng mga ari-arian ay upang mabuksan ang kahalagahan ng mga ito sa silbing pang-ekonomiya.
“Maaaring masyadong prangka ang tunog nito ngunit totoo namang wala nang magagawa ang patay para maging kapaki-pakinabang ang mga ari-arian. Sa buhay na miyembro ng pamilya na ito nakaatang,” ayon sa mambabatas.
Aniya, kapag naging batas ang HB 7909, pangalawang pagpapalawig na ito sa “estate tax amnesty.” Itinalaga sa ilalim ng RA 11213 mula 2019 hanggang Hunyo 14, 2021, at unang pinalawig ng dalawang taon o hanggang Hunyo 14, 2023 sa ilalim ng RA 11569 na likha ng nakaraang Kongreso.
Advertisement