Home NATIONWIDE 2 akusado sa iligal na droga inabswelto ng SC, kapalpakan ng pulisya...

2 akusado sa iligal na droga inabswelto ng SC, kapalpakan ng pulisya pinuna ng Korte

MANILA, Philippines – Dahil sa nasirang chain of custody, pinawalang sala ng Supreme Court (SC) ang dalawang akusado sa iligal na droga.

Sa 22 pahinang desisyon ng SC Second Division, isinantabi nito ang desisyon ng Court of Appeals (CA) at inabswelto sina Francis Valencia at Ryan Antipuesto sa kasong illegal sale of dangerous drugs.

Iniutos ng SC na agad mapalaya na ang dalawa mula sa piitan.

Iginiit ng SC na hindi maaaring baguhin ang chain of custody habang ibinabiyahe ang ebidensya para dalhin sa susunod na custodian.

“Even a minimal change in the marking stated in these documents is fatal to the identity and integrity of corpus delicti,” inihayag ng SC.

Sa rekord ng kaso, 2016 nahuli ang dalawa sa pagbebenta at pagdeliver ng shabu.

Naaresto si Valencia habang nakatakas si Antipuesto.

Matapos ang pag-aresto, minarkahan ni Dumaguete City Police Officer I Cristanto Panggoy ang plastic sachet ng “FLV/RA-BB-01-16-16” at inilagay sa brown evidence envelope at itinago hanggang sa dinala niya ito sa Negros Oriental Provincial Crime Laboratory.

Inihayag ng SC na nilabag ng mga pulis ang Section 21 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ng gawin ang imbentaryo sa police station at hindi sa lugar kung saan inaresto ang mga suspek.

Sinabi ng Korte na malinaw din ang iba pang iregularidad sa chain of custody.

Pinuna ng Korte ang naburang bahagi ng marking sa dokumento. Dahil dito, nasira na ang integridad ng pagkakahuli umano sa akto sa mga suspek.

Binigyan-diin ng SC na dapat makita sa mga dokumento ang eksaktong marking ng drug at ang serye ng paglilipat nito. Teresa Tavares

Previous articleTimeline sa pagsusulong ng Cha-cha via peoples’ initiative, ibinuko sa Senado
Next articleKumpirmasyon ni Recto sa CA, ‘di dadaan sa butas ng karayom – Jinggoy