Bulacan – Arestado ang dalawang pinaghihinalaang tulak matapos mabilhan at mahulihan ng P345,800 halaga ng iligal na droga sa buy-bust operation ng pulisya sa bayan ng Guiguinto.
Kinilala ni Bulacan Police director P/Col. Relly Arnedo ang mga suspek na sina Marohom Macabantog, 47, alyas “Ama”, ng Brgy. Tiaong at Cesar Payao, 58, ng Brgy. Santol, Balagtas.
Sa report ni Guiguinto chief of police PLt. Col. Jowilouie Bilaro, ikinasa ang operasyon bandang 1:15 ng hapon nitong Pebrero 5, sa Bypass Road, Brgy. Tiaong.
Sinasabing nabilhan ng P1,000 iligal na droga ng poseur buyer ang target na si Ama at si Cesar kaya sila agad inaresto.
Nakumpiska sa operasyon ang big size Heat Sealed Transparent Plastic Sachet (HSTPS), medium HSTPS, tatlong small HSTPS na pinaghihinalaang shabu na tumimbang ng 51.6 grams na may halagang P345,800.00, sling bag at P1,000 buy-bust money.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 and 11 Article II ng RA 9165 ang suspek habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III