Home METRO 2 Amerikanong pedophile naharang ng BI sa Manila, Cebu

2 Amerikanong pedophile naharang ng BI sa Manila, Cebu

MANILA, Philippines – HINARANG ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Amerikanong pedophile, na dating hinatulan sa paggawa ng sex crimes laban sa mga menor de edad, upang hindi makapasok ng bansa itong weekend sa mga international airport sa Manila at Cebu.

Sa ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, sinabi ng border control and intelligence unit (BCIU) ng BI na parehong naharang ang mga pasahero noong Enero 13 matapos makumpirma na mayroon silang mga rekord ng mga convictions para sa sex offenses sa US.

Kinilala ng BI ang dalawa na sina Carvin Renee White, 57, na dumating sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) sakay ng Cathay Pacific flight mula Hongkong, at Scott Edward Edson, 47, na bumaba sa NAIA Terminal 3 sakay ng United Airlines. flight mula Guam.

Nabatid sa BI na agad nai-book sa unang available na flight papunta sa kanilang pinanggalingang lugar ang mga nasabing dayuhan alinsunod na din sa ipinatutupad ng mga immigration officers laban sa mga itinuturing na undesirable aliens.

Napansin ni Tansingco na halos hindi pa nagsimula ang 2024 ngunit limang alien sex offenders ang naharang na ng mga opisyal ng imigrasyon mula noong nagsimula ang taon.

“We have been warning these sex offenders that they are not welcome here. If we encounter them, we have no choice but to turn them back,” ani Tansingco. “We are duty-bound to prevent the entry of aliens who are deemed as excludable under our immigration laws,” dagdag pa ng opisyal.

Nabatid sa BI na ang Section 23(a) ng Philippine immigration act ay tahasang nagbabawal sa pagpasok ng mga dayuhan na kinasuhan o nahatulan ng mga krimeng may kinalaman sa moral turpitude. Nauna nang iniulat ng BI ang pagbabawal sa 171 rehistradong sex offenders na makapasok ng bansa noong 2023.

Ang impormasyon na ibinigay ng gobyerno ng US ay nagsiwalat na noong 2002 isang korte sa Alabama ang hinatulan si White dahil sa pakikipagtalik umano ito sa isang 14 na taong gulang na batang babae habang si Edson naman ay napaulat na nahatulan noong 1994 dahil sa panggagahasa sa isang 13-anyos na bata.

Nabatid na ang kapwa mga nasabing dayuhan ay nasa blacklist na ng BI na magbabawal na makapasok sa Pilipinas. JAY Reyes

Previous article2 tulak timbog sa P2.5M shabu sa Caloocan
Next articleVan bumangga sa oil tanker sa Bataan, 1 patay