Home METRO 2-araw na mega job fair handog ng Manila LGU

2-araw na mega job fair handog ng Manila LGU

MANILA, Philippines – INIHAYAG ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan na ang pamahalaang lungsod, sa pamamagitan ng kanilang Public Employment Service Office (PESO), ay magsasagawa ng dalawang araw na Mega Job Fair sa Robinsons Mall sa Ermita, Maynila simula Pebrero 23 at 24.

Ayon kay PESO Director Fernan Bermejo, magkakaroon ng libu-libong trabaho ang iaalok sa mga aplikante kung saan ang mga intresado ay maaaring mag-aplay mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-6 ng gabi sa Midtown Atrium na matatagpuan sa ground floor ng Robinsons Manila.

Isasagawa ng PESO ang nasabing aktibidad sa pakikipag-ugnayan ng Department of Labor and Employment-National Capital Region (DOLE-NCR) at ng DOLE Manila Field Office.

Paalala ni Bermejo, ang mga aplikante ay dapat magsuot ng kaswal na kasuotan at magdala ng mga panulat, at hindi bababa sa 10 kopya ng kanilang resume.

Pinayuhan naman ng alkalde ang mga aplikante na iwasan ang pagpunta sa job fair nang walang laman ang tiyan upang matiyak na makakapasa sila ng maayos sa interview.

Ang job fair ay bukas para sa mga nagtapos ng high school, college level, college, at technical at vocational graduates. JAY Reyes

Previous articleNatitirang ST Nikolas crew palalayain ng Iran kapag mapalitan – DFA
Next article2 trafficking victim na gagawing dancer, therapist sa UAE nailigtas