ILOILO CITY-KULUNGAN ang kinasadlakan ng dalawang babaeng nagpapakilalang cosmetic surgeon sa isinagawang entrapment operation ng mga ahente ng National Bureau of Investigation -Western Visayas Regional Office nitong Sabado, Nobyembre 11 sa lungsod na ito.
Ayon kay Atty. Lito Magno, Assistant Director ng NBI, nakatanggap sila ng reklamo laban sa mga suspek hinggil sa hindi maayos nilang operasyon.
Base sa mga reklamo, nagkaroon ang mga biktima ng skin at bacterial infection matapos magpasuri sa mga suspek.
Agad naman inilatag ang entrapment operation sa Molo City, laban sa mga suspek at ang isa sa kanilang mga kliyente na isasailalim sa operasyon ay undercover agent ng NBI.
Habang isinasagawa na ng mga suspek ang kanilang clinical procedure para sa nose lift procedure at tinanggap ang marked money na ₱10,000 dito na sila hinuli ng mga otoridad.
Hinanapan ng NBI ang mga suspek ng kanilang lisensya o PRC ID subalit bigo silang maipakita.
Depensa ng isang suspek sumasailalim lamang siya sa training sa naturang klinika.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Medical Act ang dalawang suspek na hindi pinangalanan. Mary Anne Sapico