Home METRO 2 bata binugbog ng kelot sa gubat; 1 patay

2 bata binugbog ng kelot sa gubat; 1 patay

MANILA, Philippines- Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 7-anyos na babae nang pagsusuntukin at sakalin ito ng lalaking nagdala sa kany  sa isang gubat sa Sariaya, Quezon. 

Ligtas naman ang kasama niyang 7-anyos din matapos nitong magkunwaring patay.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Sariaya police, magkasamang naglalakad ang dalawang paslit sa isang bukid sa Barangay Morong nitong Sabado ng hapon.

Bigla umanong sumulpot ang 23-anyos na suspek at nagpresentang samahan ang mga bata. 

“Kami po ay magkadikit, naglalakad, tapos bigla po kami binuhat. Sinakal po kami, sinuntok sa likod, nginudngod sa lupa, paulit -ulit po,” pagsasalaysay ng batang nakaligtas.

Nagkunwari itong patay at nang magising siya’y nakita niyang patay na ang kasama niya.

Agad itong umuwi at nagsumbong sa kanyang pamilya. 

Natagpuan namang patay sa gitna ng mga puno ng buli na sakop na ng Barangay Pili ang biktima. 

Nakilala ng batang nakaligtas ang suspek na kaagad ding sumuko sa chairman ng Barangay Morong. 

“Nagsuko na lang po ako kahit hindi ko alam ang nangyari. Ang huli ko po alaala ay kasama ko yung dalawa tapos nawala na ho isip ko, hindi ko na alam ang nangyari,” wika ng suspek. “Nagising na lamang po ako, nakita yung isa patay na.” 

“Humihingi po ako ng tawad sa magulang ng bata sa nagawa ko, humihingi ako ng kapatawaran kung nagawa ko yun, pasensya na po” patuloy niya.

Ayon kay PLt. Reynante De Chavez, chief investigator ng Sariaya Police, sinabi ng suspek na napagkamalan niyang manika ang mga biktima. 

“Kulang ang buhay niya para maibayad sa buhay ng anak ko. Sana maranasan niya doble, triple pa [sa] ginawa niya sa anak ko, kung ano paghihirap. Wala siyang awa,” ani Nyrine Soria, ina ng biktima.

Nakatakdang ilibing ang bata sa Sabado. 

Nahaharap ang suspek sa kasong murder at frustrated murder. RNT/SA

Previous article14 kambing patay sa mga ‘asong gala’
Next articleSuspek sa pagpaslang sa parak, 2 pang wanted arestado!