Nasamsam ng pulisya ang mahigit P25 milyon halaga ng shabu at baril sa dalawang drug suspects na itinuturing bilang high value individual (HVI) matapos maaresto sa isinagawang buy bust operation sa Caloocan City.
Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong mga suspek na sina Edgardo Vargas alyas “Edwin”, 42, electrician ng T. Marcelo St., Brgy., Dalandanan, Valenzuela City at Lenard Buenaventura, 20, Lalamove Rider ng Hiwas St., Brgy., Longos, Malabon City.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen Ponce Rogelio Penones Jr, sinabi ni Col. Lacuesta na nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan police sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Cpt. Ronald Allan Soriano ng impormasyon mula sa isang Regular Confidential Informant (RCI) hinggil sa pagbebenta umano ng shabu ng mga suspek kaya isinailaim nila ang mga ito sa validation.
Nang positibo ang ulat, kaagad ikinasa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PSSg Rainier Brian Saez, kasama ang Station Intelligence Section sa pangunguna ni PMAJ John David Chua, 3rd MFC, RMFB, NCRPO at Valenzuela City Police sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Salvador Destura Jr ng joint buy bust operation na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek dakong alas-2:00 ng madaling araw sa West Service Road Barangay 160, Caloocan City matapos bintahan ng P100,000 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 3,800 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P25,840,000.00, backpack, buy bust money na isang tunay na P1,000 bill, kasama ang 99-pirasong P1,0000 boodle money, cal. 32 pistol na my magazine at limang bala, cellphone at isang motorsiklo.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Pinuri naman ni P/MGen Edgar Alan Okubo, RD, NCRPO ang Caloocan City Police sa kanilang walang patid na dedikasyon, proactive na estratehiya at malakas na pakikipagtulungan sa komunidad upang labanan ang iligal na droga para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa loob ng komunidad. Rene Manahan