Home NATIONWIDE 2 CHED commissioners inireklamo sa maling paggamit ng pondo

2 CHED commissioners inireklamo sa maling paggamit ng pondo

MANILA, Philippines – KINUMPIRMA ni Commission on Higher Education (CHED) chairman Prospero de Vera III na nakatanggap ito ng reklamo laban sa dalawang komisyonado ng komisyon kaugnay sa di umano’y ‘misappropriated public funds’ at pang-aabuso sa kapangyarihan.

Kinuwestiyon kasi ni Senador Risa Hontiveros si de Vera hinggil sa isinampang reklamo laban kina CHED commissioners—Aldrin Darilag at Jo Mark Libre noong Setyembre, sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Finance’ hinggil sa panukalang 2024 budget ng komisyon, araw ng Lunes.

“Merong reklamo na ‘yung ibang commissioner daw namin ay kung mag-hold ng mga board meeting ay masyadong marami, masyadong madaming ang tao kasama, kaya masyadong magastos para sa state universities and colleges,” ayon kay De Vera.

“Merong ding reklamo na ang kanilang mga galaw, pag-ikot nila sa mga universities ay sagot lahat ng mga state universities,” dagdag na wika nito.

Sa kabila nito, tinuran ni De Vera na wala siya sa posisyon para disiplinahin ang mga komisyonadong sangkot dahil ang mga ito ay presidential appointees.

Gayunman, ipinadala na niya ang nasabing reklamo sa Office of the Executive Secretary (OES).

Kapuwa itinanggi naman nina Darilag at Libre, dumalo sa Senate hearing ang alegasyon laban sa kanila.

Tinanong naman ni Senador Joel Villanueva si Darilag kung totoo ba na ginagamit nito ang public funds sa pamamagitan ng budget ng SUCs para bayaran ang travel expenses ng kanyang pamilya.

Ang kagyat na tugon ni Darilag ay “That’s not true. Meron akong ebidensiya that would show na ako bumili ng ticket … My 24 SUC presidents can attest to my practice of holding board meetings and also my integrity as a commissioner.”

Samantala, giniit naman ni Libre na ang lahat ng board meetings ng SUCs na kanyang hinahawakan ay ginawa sa conference rooms ng unibersidad at hindi sa hotels o resorts.

“All of the letter appears to be part of the organized attack on the integrity of yours truly. Second, regarding, with the conduct of the board meetings, those are actually with official travel and in fact, that’s actually the request of the respective SUC presidents,” ani Libre.

Para naman kay De Vera, mayroong umiiral na resolusyon at memorandum ang CHED kung saan nakasaad ang “the do’s and don’ts of a chair designate of SUC boards.”

“Ilalagay ko po sa memorandum na ‘pag hindi sila sumunod ay tatanggalin ko po silang chair designate,” aniya pa rin.

Previous article6 pulis na sabit sa ‘Jemboy slay’ pinatatapon na sa bilangguan
Next articleCase by case: Ilang indibidwal sa same-sex union pwedeng ma-blessed – Pope