Home METRO 2 dalagita patay sa karambola sa Bulacan

2 dalagita patay sa karambola sa Bulacan

MANILA, Philippines – PATAY ang dalawang dalagita matapos mahagip ng apat na sasakyan na nagkarambola habang naglalakad nitong Lunes, Agosto 21 sa bayang ito.

Kinilala ang mga nasawi na sina Erica Lay Tapang, 14 taong gulang at Cristina Caparas, 16 taong gulang at pawang residente ng Barangay Dulong Malabon sa bayan ng Pulilan.

Batay sa report ng Pulilan Police Station, bandang 1:20 PM naganap ang insidente sa Pulilan-Baliwag Bypass Road, Barangay Dulong Malabon sa naturang bayan.

Sa inisyal na imbestigasyon, binabaybay ng mga sasakyang sangkot ang naturang lugar na kinabibilangan ng isang Honda TMX tricycle na minamaneho ni RJ Reyes sakay ang tatlong pasahero; puting Hino passenger van na may plakang NBD 9398 na minamaneho ni Marvin Caracter; Isuzu truck na may plakang UGG 780 na minamaneho ni Adrian at isang puting Honda Brio hatchback na may plakang ABJ 2935 na minamaneho ni Pascual Carillo na bumabagtas mula sa kabilang direksyon.

Tumigil ang tricycle dahil kakaliwa ito sa nasabing kalsada kaya ang nasa likuran nito na passenger van ay tumigil din ngunit ang kasunod nito na humaharurot na Isuzu truck ay bumangga sa likuran nito na bumangga naman sa tricycle para matulak sa kabilang linya ng kalsada at nahagip naman ng Honda Brio dahilan para mahagip nito ang dalawang dalagita.

Kaagad naman dinala sa Our Lady of Mercy Hospital at Bulacan Medical Center ang mga dalawa subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ang mga ito ng hininga.

Nasa kustodiya naman ng pulisya si Caracter para sa karampatang disposisyon at posibleng nahaharap sa patung-patong na kaso. Mary Anne Sapico

Previous articleOple binigyang-pugay sa Senado, ‘tunay na kampyon ng OFWs’
Next articleIsa sa 6 na suspek sa Cavite restaurant robbery arestado!