Home METRO 2 dayuhang hinihinalang ilegal na magtarabaho sa Pinas naharang ng BI

2 dayuhang hinihinalang ilegal na magtarabaho sa Pinas naharang ng BI

MANILA, Philippines- Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang dalawang dayuhang hinihinalang nagtangkang pumasok sa bansa para magtrabaho nang ilegal.

Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na naharang ang mga dayuhan sa NAIA Terminal 3 noong Hunyo 23 at Hunyo 24 nang dumating sila at idineklarang papasok sa bansa bilang mga turista.

Noong Hunyo 23, hinarang ng mga opisyal ng Immigration ang 20-anyos na si Ding Junda, Chinese national. Dumating siya sakay ng flight ng Xiamen Air Airlines mula sa China at sinabing bibisita siya sa isang hindi pinangalanang kamag-anak sa Pilipinas sa loob ng walong araw.

Habang nitong Hunyo 24 naman ay hinarang ng mga opisyal ng Immigration ang isang 22 taong gulang na babaeng Vietnamese na kinilala bilang Nguyen Thi Tuyet Trang. Dumating siya sakay ng isang Air Asia Airlines flight mula Thailand at sinabing siya ay patungo sa Tagaytay para sa isang bakasyon.

Sa ginawang pangalawang inspeksyon, parehong nagbigay ng hindi magkatugmang mga pahayag ang mga dayuhan. Si Ding ay iniulat na nagtatrabaho bilang isang parcel delivery rider, at inisponsor ng isa pang Chinese national na nasa labas ng bansa habang si Nguyen naman ay dating nasa bansa noong 2022, at inamin na nagtrabaho siya bilang nail technician at may hawak na tourist visa.

“They were denied entry after our officers determined that they were likely to become public charge, as stipulated by the provisions, resulting in their classification as excludable aliens under our immigration laws,” ani Tansingco.

Dahil dito, ang dalawang dayuhan ay inilagay sa immigration blacklist, na humahadlang sa kanila na tuluyang makapasok sa Pilipinas. JAY Reyes